Huwebes, Setyembre 4, 2014

Panahon ng Kasiyahan


        Matapos ang sampung buwang inilaan ko sa aking pag-aaral, sa paggawa ng mga aralin, at paglahok sa ibat ibang aktibitis sa paaralan, marapat lamang na makapagsaya ako sa natitirang dalawang buwan para sa bakasyon. Gaano nga ba kahalaga para sa mga estudyante ang bakasyon? Napakahalaga para sa akin ng bakasyon dahil ito ang panahon na makakapagpahinga ako na walang iniisip na gawain tungkol sa pag aaral. Nagagawa ko na ang mga gusto kong gawin na hindi ko nagagawa dahil sa wala akong oras . Nakakapagbonding kami ng buong pamilya at nakakarating sa ibat ibang lugar na nais puntahan. Marami na akong naranasan at napuntahan. At isa na nga sa pinakamasayang bakasyon ko ay nangyari noong 2011.


        Taon-taon pumupunta kami ng aking pamilya sa probinsya ng aking Ina sa Quezon na itinuturing kong pangalawang tahanan. Sa tuwing nalalapit na ang bakasyon, hindi ko mapigilan ang aking sarili na mapangiti, magalak, at maexcite sa maaaring mangyari sa loob ng dalawang buwang pagbabakasyon namin doon. Naalala ko pa bago ang araw ng aming pag-alis, hindi na kaagad ako magkaintindihan sa pag iimpake ng aking mga gamit, kung paano pagkakasyahin ang mga iyon sa bag.
Hindi agad ako makagawa ng desisyon kung gaano kadami ang aking dadalhin dahil na rin siguro sa sobrang excited. Tinawanan tuloy ako ng aking kapatid at binibiro na kung doon na raw ako titira at kadami ko raw dalang gamit. Napatawa na lang din ako noong napagtanto ko na halos lahat ng damit ko ay isinilid ko sa bag. Masaya akong nakatulog noon. Habang nasa biyahe kami patungo sa aming pupuntahan, masaya at nakangiti akong humarap sa bintana, habang sinasabayan ang musikang nanggagaling sa aking cellphone, ninanamnam ang sariwang hanging humahaplos sa aking mukha at buhok. Habang papalapit na kami sa aming destinasyon, hindi ko maiwasang mapatingin sa kanang bahagi ng daan kung saan natatanaw ko na ang aking kaligayahan, ang magandang tanawin na aking hinahanap-hanap. Kay gandang pagmasdan ng dagat na tila isang dyamanteng nagkikislapan, ang mahinahon nitong paghampas sa dalampasigan at ang tunog nitong kaakit-akit. Naroroon din ang mga makalumang istilo ng mga bahay na gawa sa kahoy at palapa ng niyog, ang mga mabeberdeng puno na parang nagsasayaw, at ang sariwang hangin na nakakapagpagaan ng pakiramdam. Hindi ko maipaliwanag ang aking kasiyahang nadarama noong mga panahong iyon. 
       
   Masaya kaming sinalubong ng aking mga pinsan, tita at tito, pati na rin ang aking lola. Napakainit ng kanilang pagtanggap sa amin. Isa agad salu-salo ang aming pinagsaluhan sa tabi ng dagat. Napakaraming pagkain ang nakahanda, tulad na lamang ng mga inihaw na isda, ibat ibang luto ng mga lamang dagat, pansit hab-hab atbp. Punong puno ng kasiyahan ang buong paligid, mga nagtatawanan, ngkwekwentuhan, naglalaro, nagkakantahan, naliligo sa dagat at ang hindi maiiwasan ng mga matatanda, ang mag inuman.
Mas pinili ko munang pagmasdan silang lahat sa kanilang mga ginagawa, dahil na rin siguro sa pagod. Ngunit hindi ako nakaligtas sa aking mga makukulit na ate at mga kuya, binuhat nila ako papunta sa dagat at hindi sila nag alinlangang ihagis  ako sa dagat. Nagtawanan kaming lahat at nakisalo na rin ako sa kasiyahang nagaganap. Dahil sa kasabikang akin naramdaman noong araw na iyon, inabot na kami ng gabi sa paliligo sa dagat. Noong kinagabihan, gumawa kami ng malaking bonfire at nagbonding kami ng aking mga pinsan. Napakasaya talaga nilang kasama. Natapos ang unang araw na magkakasama parin kami kahit sa pagtulog sa munting tahanan ng aking Lola. 
     Sa mga sumunod pang mga araw, marami kaming napuntahan mga lugar tulad na lamang sa pagpunta namin sa isang Resort.
Naalala ko, unang beses ko palang sumakay sa ibabaw ng dyip kasama ang aking mga pinsan at dalawa pang kapatid. Noong una hindi na ako umaasa na papayagan kami ng aking Ina na sumakay doon ngunit dahil nga sa kasama ko ang aking mga pinsan ay pinayagan na rin kami. Ang sarap sa pakiramdam na nasa itaas ka, para kang lumilipad sa langit. Ramdam na ramdam ang bilis ng ihip ng sariwang hangin at tanaw na tanaw mo  ang magagandang tanawin. Isa pa ring pangyayari na nagustuhan ko ay ang makiisa sa proyektong ng aking pinsan ( SK ), paglilinis ng tabing dagat kasama ang mga kabataan ng baryo. Nakakatuwang isipin at makita na nagkakaisa ang lahat para sa pagpapanatili ng kalinisan sa kanilang kapaligiran. Kusa silang tumutulong sa mga kagawad at hindi sila naghihintay ng kapalit. 
   
      Dahil buwan ng Mayo, maraming aktibiti ang ginaganap sa kanilang Baryo. Isa na rito ang Flores De Mayo. Mula bata hanggang matatanda ay nakiisa sa aktibiting ito. Nakasuot ng mga makukulay at mayayabong na mga damit para sa babae at barong naman sa lalaki. Mataas man ang sikat ng araw, hindi nila ito inalintana bagkus ay masaya silang naglakad sa buong baryo. Nakakapagod man ang maghapong iyon, sulit naman dahil sa lahat ay masaya. 
     
      Sa tuwing wala kaming ginagawa, nagpupunta ako sa tabing dagat upang makapamasyal, makita ang magandang tanawin, mga taong nagsasaya sa paliligo nila sa dagat. Marami na akong kakilala sa baryong iyon at maganda ang pakikitungo nila sa akin. Sa paglalakad kong iyon, napansin ng aking mga mata ang ibang parte ng kanilang pagkatao. Napagtanto ko na, hindi lahat ng mga nakangiti, at tumatawa ay walang problema sa buhay. Sa likod ng kanilang mga matatamis na ngiti, nagkukubli ang kanilang madilim na bahagi ng kanilang buhay. Gayunpaman, nababatid ko ring hindi hadlang sa kanila ang mga problemang iyon para makapagsaya sila at ma enjoy ang kanilang buhay. Lahat ay may karapatang maging masaya at magsaya. Ngumiti kahit gaano man kadaming problema ang dumating sa buhay basta sama-sama ang buong pamilya at may pananalig sa Panginoon, ang tunay na kaligayahan sa buhay ay ating makakamtan. 
                   Marami akong natutunang bagay kahit sa maikling panahong na inilagi ko sa probinsyang iyon. At sana ay masundan pa ng maraming beses ang pagbabakasyon namin. Masasabi kong ito ay  isa sa pinakamasayang bahagi ng aking buhay.


1 komento:

  1. Merkur 34c Review | merkur 34c review | xn--o80b910a26eepc81il5g.online
    In addition to a well respected, high quality 메리트 카지노 주소 online casino 바카라사이트 experience, it's หารายได้เสริม also home to excellent sportsbook for  Rating: 4.4 · ‎Review by xn--o80b910a26eepc81il5g.online

    TumugonBurahin